Skip to main content

Accomplishment Report 1st 100 days in Office

MAYOR ESMERALDA G. PINEDA
OCTOBER 14, 2019

VICE MAYOR JAY B. MONTEMAYOR, MGA SANGGUNIANG BAYAN MEMBERS , BARANGAY CAPTAINS, SANGGUNIANG KABATAAN CHAIRMEN, MGA DEPARTMENT HEADS, DIVISION AND SECTION CHIEFS NG MUNICIPIO, OPISYALES NG MGA NATIONAL GOVERNMENT AGENCIES, MGA DISTRICT SUPERVISORS NG DEPED, GAYUNDIN ANG MGA PRINCIPAL, MGA KAPWA NAGLILINGKOD SA PAMAHALAAN, MGA KAGAWAD NG MEDIA, MGA PILING PANAUHIN, MGA KABABAYAN…

NAGAGALAK PO AKONG BATIIN KAYO NGAYON SA PAGSAPIT NG UNANG ISANG DAANG ARAW NG AMING ADMINISTRASYON.

KUNG TITINGNAN, ANO NGA LANG BA ANG ISANG DAANG ARAW KUMPARA SA BUONG TATLONG TAON NG AMING IPAGLILINGKOD SA BUONG BAYAN.

PERO KARAPATAN PO NINYONG MALAMAN KUNG TALAGANG NAGTRABAHO KAMI SIMULA NANG KAMI AY IUPO NINYO SA AMING PWESTO.

NOONG NAKARAANG MGA LINGGO SA TULONG NG DILG ISINAGAWA NATIN ANG UNANG EXECUTIVE-LEGISLATIVE AGENDA FORMULATION NG ATING ADMINISTRASYON.

NAKITA NATIN SA NASABING ELA KUNG GAANO KALAKI ANG TRABAHONG KAILANGAN PARA ITULOY ANG MAGAGANDANG NAPASIMULAN NG MGA UNANG NANUNGKULAN SA ATIN.

KUNG TITINGNAN NATIN LAHAT NG MGA NABALANGKAS NA PLANO BAKA KULANGIN ANG TATLONG TAON PARA MAGAWA NATIN ANG LAHAT NG ITO.

KAYA UUNAHIN MUNA NATIN LAHAT ANG MGA MAKAKAYA NATING MABUO SA TATLONG TAON.

AT ITONG MGA NAGAWA NA NATIN SA LOOB NG UNANG ISANG DAANG ARAW ANG MAKAPAGBIBIGAY NG GABAY SA ATIN KUNG ANU-ANO ANG ATING MAGIGING ACCOMPLISHMENT SA MGA SUSUNOD NA MGA BUWAN AT TAON.

PANANALAPI
SA LOOB PA LAMANG NG UNANG BUWAN NAKITAAN NA KAAGAD NG PAGTAAS ANG ATING KOLEKSIYON MULA SA BUSINESS TAX.

NAKALIKOM ANG MUNICIPIO NG ONE MILLION FIVE THOUSAND FIVE HUNDRED TWENTY SEVEN PESOS AND SIXTY FOUR CENTAVOS (P1,005,527.64) SA BUONG BUWAN NG HULYO NG TAONG ITO.

ITO ANG PINAKAMATAAS NA JULY COLLECTION NATIN SIMULA NOONG TAONG 2011.

SINUNDAN ITO NG EIGHT HUNDRED THREE THOUSAND FIVE HUNDRED THIRTY FOUR PESOS AND THIRTY EIGHT CENTAVOS PARA SA BUWAN NG AGOSTO.

RESULTA ITO NG ATING MAIGTING NA INFORMATION CAMPAIGN AT PAALALA SA MGA NAGNENEGOSYO UKOL SA KANILANG OBLIGASYON SA BAYAN.

PINANGUNAHAN NG TREASURER’S OFFICE ANG INSPECTION SA MAY 340 BUSINESS ESTABLISHMENTS PARA TIYAKIN NA NAGBABAYAD SILA NG TAMANG BUWIS.

PINAG-AARALAN NATIN KUNG PAANO PANG MAPAPALAKI ANG ATING KOLEKSIYON NANG HINDI NAGDARAGDAG NG BAGONG BUWIS O NAGTATAAS NG HALAGA NG MGA BINABAYARAN.

KUNG MAAYOS AT EPISYENTE ANG KOLEKSIYON MAY MAGAGAMIT TAYONG PERA PARA MATUSTUSAN ANG IBA’T IBANG PROGRAMA NG PAMAHALAANG BAYAN.

KALUSUGAN
SA AKING INAUGURAL ADDRESS IPINANGAKO KO NA UUNAHIN ANG KALUSUGAN NG MGA LUBENIO AT ITUTULOY ANG MGA PROGRAMANG NAUMPISAHAN NINA VICE GOV NANAY, GOVERNOR DELTA, AT BM MYLYN.

KATUNAYAN, SA UNANG ISANG DAANG ARAW NATIN ISA ANG HEALTH SA MAY MALAKING PONDONG NAGAMIT PARA SA IBA’T-IBANG PROGRAMA.

NAKAPAGPALABAS ANG MUNICIPAL HEALTH OFFICE NG MAHIGIT SA DALAWANG MILYONG PISO MULA HULYO HANGGANG SA UNANG LINGGO NG KASALUKUYANG BUWAN.

MAHIGIT SA 870,000 PESOS ANG NAITULONG NATIN PARA SA MAINTENANCE MEDICINE 190,000 PESOS PARA SA FREE LABORATORY TESTS.

MAHIGIT ISANG MILYONG PISO SA FINANCIAL ASSISTANCE AT TULONG SA GAMOT PARA SA MAY DIABETES AT DIALYSIS SA MGA MAYSAKIT SA BATO.

PINANGANGALAGAAN DIN NATIN ANG MABABANG BILANG NG MGA NAGKAKASAKIT NANG TUBERCULOSIS.

INUNA NATING PINONDOHAN ANG MGA GAMOT PARA SA MGA BATANG MAY PRIMARY COMPLEX AT MGA SANGGOL NA IPINANGANAK NA MAY MABABANG TIMBANG.

GUMASTOS TAYO NG THREE HUNDRED SIXTY THOUSAND PESOS (P360,000) NA IPINADAAN NATIN SA LOCAL COUNCIL FOR THE PROTECTION OF CHILDREN.

IPINAMAHAGI NATIN ANG MGA GAMOT KAUGNAY SA ATING MALAWAKANG KAMPANYA LABAN SA SAKIT NA TB.

KABILANG ANG LUBAO SA MAY PINAKAMABABANG BILANG NG NAGKAKASAKIT NG DENGUE SUBALI’T HINDI NAMAN IBIG-SABIHIN NA LIGTAS NA TAYO SA SAKIT NA ITO.

KAYA HINDI TAYO TUMIGIL PARA MABAWASAN ANG POSIBILIDAD NANG PAGKALAT NG MGA LAMOK NA NAGDADALA NG DENGUE.

KNOWLEDGE IS POWER, IKA NGA. KAYA WALA NANG HIHIGIT PASA MAMAMAYANG HANDA DAHIL SA TAGLAY NA KAALAMAN.

PINAIGTING NATIN ANG PAGPAPAKALAT NG IMPORMASYON LABAN SA DENGUE SA PAMAMAGITAN NG MGA SEMINAR AT PAMAMAHAGI NG INFORMATION EDUCATION CAMPAIGN (IEC) MATERIALS.

PINANGUNAHAN ITO NG MUNICIPAL HEALTH OFFICE AT ENVIRONMENTAL HEALTH AND SANITATION SECTION.

IPINATUPAD NATIN ANG “‪FOUR O’CLOCK‬ HABIT” AT INATASAN ANG LAHAT NG BARANGAY NA BUMILI NG KANI-KANILANG MIST SPRAYER.

ITO AY PARA HINDI NA DUMAMI PA ANG MGA LAMOK NA DENGUE-CARRIER.

ANG MUNICIPIO NA RIN ANG GUMASTOS PARA SA MGA INSECTICIDE NA GAGAMITIN PARA SA SCIENTIFIC FOGGING AT LARVICIDING PROGRAM.

TAOS-PUSO RIN PO ANG AKING PASASALAMAT SA AMING PAMILYA, LALONG-LALO NA KAY TATAY.

SA TULONG PO NIYA AY NAGKAROON NG LIBRENG SALAMIN SA MATA AT PUSTISO
ANG ATING MGA KABABAYAN.

AS OF SEPTEMBER 9, 2019, UMAABOT NA SA HALAGANG SIX MILLION THREE HUNDRED TWELVE THOUSAND NINE HUNDRED EIGHTY TWO PESOS ANG HALAGA NG NAIPAMIGAY NATING SALAMIN PUSTISO AT IBA PANG TULONG.

HINDI PO BA’T SOBRANG SWERTE KO? MERON NA AKONG NANAY AT MGA KAPATID NA NASA KAPITOLYO PARA SUMUPORTA SA ATIN DITO.

MERON PA AKONG TATAY NA KAHIT SA PRIBADONG KAKAYANAN AY TUMUTULONG SA ATING MGA NASASAKUPAN.

KAYA KAHIT PO SA PERSONAL KO RING MAGAGAWA, TUMUTULONG RIN AKO SA MGA MAYSAKIT NA NANGANGAILANGAN NG SERBISYONG MEDIKAL.

NUTRISYON
SA TULONG NG MUNICIPAL NUTRITION COUNCIL, TULUY-TULOY PO ANG “GULAYAN SA PAARALAN PROGRAM” PARA SA 43 PUBLIC ELEMENTARY SCHOOLS NATIN.

NAGBIGAY TAYO NG MGA BINHI AT MGA GAMIT NA UMAABOT SA HALOS ISANG-DAANG LIBONG PISO.

TULOY PA RIN ANG PANGANGALAGA NATIN SA MGA NAGBUBUNTIS.

NAGBIBIGAY TAYO NG MGA BITAMINA, LIBRENG LABORATORY TESTS AT MGA GAMIT PARA SA MGA NAG-DADALANG-TAO.

UMAABOT SA 626 NA MGA BUNTIS ANG ATING NAPAGLINGKURAN NA.

PARA MAGING MASINSIN DIN ANG PAGBABANTAY SA KALUSUGAN NG MGA NASA BARANGAY, PINALAKAS NATIN ANG HANAY NG ATING MGA BARANGAY NUTRITION COUNCILS.

KASAMA DIYAN ANG MGA RURAL HEALTH MIDWIVES, BARANGAY NUTRITION SCHOLARS AT MGA BARANGAY HEALTH STATION.

NITONG NAKALIPAS NA BUWAN LAMANG, NAGBIGAY TAYO NG MGA PREMYO PARA SA MGA MAY PINAKAMAAYOS NA SERBISYONG PANGKALUSUGAN SA BARANGAY.

GAGAWIN PO NATIN ANG REWARDS SYSTEM NA ITO TAON-TAON, HINDI BILANG KABAYARAN KUNDI PARA LALO PANG MABAPUTI ANG ATING TRABAHO PARA SA MARALITANG LUBENIO.

HINDI RIN TUMITIGIL ANG ATING INSPECTION SA MGA PAARALAN AT MGA SCHOOL CANTEEN.

PAGTIYAK ITO NA LIGTAS ANG KINAKAIN NG ATING MGA KABATAAN.

IMPORTANTE ANG MALINIS NA INUMING TUBIG PARA SA LAHAT.

DAHIL DITO, KASAMA SA ATING PINAGTUTUUNAN NG PANSIN ANG MGA WATER REFILLING STATIONS, WATER DISTRICT, AT MGA POSO—PRIBADO MAN O PAMPUBLIKO.

MONTHLY ANG MICROBIOLOGICAL, PHYSICAL AT CHEMICAL ANALYSIS NG TUBIG MULA SA MGA NEGOSYONG GUMAGAMIT NG TUBIG PARA MAIWASAN ANG MGA WATER-BORNE DISEASES.

AGRIKULTURA
ISA ANG LUBAO SA MGA LUGAR SA PAMPANGA NA SAGANA SA MGA LIKAS NA YAMAN.

BINIYAYAAN TAYO NG DIYOS NG MATABANG LUPANG SAKAHAN AT MAYAMANG KATUBIGAN.

KASABAY NG BIYAYANG ITO ANG MALAKING HAMON SA ATIN KUNG PAANO ITO MAPAPANGALAGAAN AT MAPAPAKINABANGAN NG TAUMBAYAN.

SA MGA MAGSASAKA MAN O SA MGA MANGINGISDA, MAY AYUDA ANG PAMAHALAANG BAYAN, SA PAMAMAGITAN NG ATING MUNICIPAL AGRICULTURE OFFICE.

KABILANG SA MGA TULONG NA NAKARATING SA ATING MGA MANGINGISDA ANG SOLAR LAMP, MULTIFILAMENT NET, GILL NETS AT FISHVENDING EQUIPMENT.

NAGKALOOB DIN TAYO NG ISANG 4-WHEEL FARM TRACTOR NA NAGKAKAHALAGA NG 1.5 MILLION PESOS SA FARMERS’ ASSOCIATION NG STA. TEREZA 1ST.

BUKOD PA YAN SA WALONG TRAKTORA NA IBINIGAY NG PROVINCIAL GOVERNMENT AT NGAYON AY GINAGAMIT SA IBA’T IBANG BARANGAY.

KATULAD RIN YAN NG MGA MAKINARYANG TULAD NG COMBINED HARVESTER, SHALLOW-TUBE WELL PARA SA PATUBIG, HANDTRACTOR AT REAPER.

ENVIRONMENT
MAGKAUGNAY ANG AGRIKULTURA AT KALIKASAN.

KUNG SISIRAIN NATIN ANG ATING KAPALIGIRAN, WALA RIN TAYONG MAAASAHANG BIYAYA GALING SA KANIYA.

KAYA DITO SA LUBAO, MALAKING BAHAGI NG PAMAMAHALA ANG PANGANGALAGA SA INANG KALIKASAN.

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, GINANAP ANG REFILL REVOLUTION SA ATING BAYAN.

MAHIGIT SA DALAWANG LIBONG MGA RESIDENTE ANG NAKINABANG SA MURANG MGA BILIHIN KATULAD NG MANTIKA, SUKA, SABON, ATBP. SA PROYEKTONG ITO.

KASAMA NATIN ANG ENVIRONMENTAL MANAGEMENT BUREAU, NATURUAN ANG MGA KABABAYAN NATIN SA WASTE SEGREGATION AT RECYCLING.

NAKATIPID PA SILA SA MGA ESSENTIAL NA PANGANGAILANGAN SA BAHAY.

DAHIL NAKITA NATING MAGANDA ANG REFILL REVOLUTION, PLANO PO NG ATING ADMINISTRASYON NA GAWIN ITONG REGULAR.

MAGPAPADALA TAYO NG ROVING TRUCKS NA IIKOT SA IBA’T-IBANG BARANGAY.

ANG ROVING TRUCKS AY MAGTITINDA NG MURANG PRODUKTO AT MANGANGAMPANYA PARA SA WASTONG SOLID WASTE MANAGEMENT.

NOONG AGOSTO, SA PANGUNGUNA NG MUNICIPAL ENVIRONMENT AND NATURAL RESOURCES OFFICE O MENRO, IDINAOS ANG 5TH LUBAO ARBOR DAY.

NAGTANIM TAYO PARA SA ATING ARBOR DAY NANG MAY APAT NA RAANG FRUIT-BEARING TREES.

SA KALAUNAN, ANG MGA PUNO AY MAPAPAKINABANGAN NG MGA PUMAPASYAL DITO AT MAGIGING DAGDAG NA KITA SA MUNICIPIO.

KARAGDAGANG ATRAKSIYON DIN ITO SA LUGAR KUNG NASAAN ANG ATING CENTRAL MATERIAL RECOVERY FACILITY AT LUBAO BAMBOO HUB AND ECOPARK.

ILILIPAT NA RIN ANG CENTRAL MRF KUNG SAAN NAPO-PROSESO ANG MGA BASURANG NARERESIKLO AT MGA ITATAPON NA SA METRO CLARK.

GAGAMITIN NATIN DITO ANG ATING PREMYO MULA SA PERFORMANCE CHALLENGE FUND NA NAGKAKAHALAGA NG 3.2 MILLION PESOS.

PUMIRMA RIN TAYO NG PARTNERSHIP KASAMA ANG INSULAR FOUNDATION PARA SA PAGTATANIM AT PANGANGALAGA NG MGA KAWAYAN SA PALIBOT NG BAMBOO HUB.

BUKOD DITO, NAGBIGAY DIN ANG DEPARTMENT OF SCIENCE AND TECHNOLOGY NG TWO HUNDRED THOUSAND PESOS PARA SA ENGINEERED BAMBOO PRODUCTION.

DITO MAKAKAGAWA NG IBA’T IBANG KAGAMITAN TULAD NG MGA UPUAN AT MESA NA YARI SA KAWAYAN.

ANG MGA NABANGGIT NA PROYEKTO AY NAGING DAAN RIN PARA MAKALIKHA NG MGA TRABAHO PARA SA MGA LUBENIO.

LIVELIHOOD/EMPLOYMENT/SKILLS
NOONG PANAHON NG KAMPANYA, TATLONG KABABAIHAN ANG LUMAPIT SA AMIN AT HUMINGI NG TULONG PARA SA KANILANG KABUHAYAN.

DAHIL BAWAL PO ANG NANGANGAKO, SINABI NATIN NA TITINGNAN NG MUNICIPIO KUNG ANO ANG MAGAGAWA PARA MATULUNGAN ANG MGA WALANG TRABAHO O HANAPBUHAY.

PAGKA-UPO NATIN, KAAGAD NATING IPINAHANAP ANG TATLONG KABABAIHANG ITO AT BINIGYAN NG MGA HIGH SPEED SEWING MACHINE.

KARAGDAGAN IYAN SA MGA INDIBIDWAL NA NAIHAHANAP NATIN NG TRABAHO AT NABIBIGYAN NG PAGKAKATAONG PANGKABUHAYAN SA TULONG NG PUBLIC EMPLOYMENT SERVICES OFFICE.

UMAABOT SA 1,230 NA MGA APLIKANTE ANG NAIPASOK NATIN NG TRABAHO SA MAHIGIT 1,500 NA MGA BAKANTENG POSISYON NA INILAAN SA ATIN NG IBA’T-IBANG KUMPANYA.

MAHIGIT SA 380 KATAO NAMAN ANG NAGKAROON NG KARAGDAGANG KASANAYAN SA TULONG NG ATING MGA SKILLS TRAINING.

HALIMBAWA DITO ANG SHIELD METAL ARC WELDING, DRESSMAKING, ELECTRICAL INSTALLATION AND MAINTENANCE AT IBA PA.

HINDI NAIIWAN ANG MGA DATING NALULONG SA IPINAGBABAWAL NA GAMOT PAGDATING SA SKILLS DEVELOPMENT.

MAY SKILLS TRAINING DIN PARA SA KANILA.

KABUUANG 183 KATAONG ITINUTURING NA PERSONS WHO USED DRUGS MULA SA WALONG BARANGAY ANG NAKINABANG DITO.

UMAABOT NAMAN SA FOUR MILLION, ONE HUNDRED TWENTY SEVEN THOUSAND FIVE HUNDRED TWENTY PESOS ANG IBINAHAGI NATIN PARA SA SWELDO NG 800 BENEPISYARYO NG SPECIAL PROJECT FOR THE EMPLOYMENT OF STUDENTS O SPES.

NEXT YEAR, PLANO PO NATING DAGDAGAN ANG BILANG NA IYAN PARA MAS MARAMING MGA KABATAAN ANG MATULUNGAN NATIN SA KANILANG PAG-AARAL.

SOCIAL SERVICES
SA TULONG NG DEPARTMENT OF SOCIAL WELFARE AND DEVELOPMENT, MAHIGIT SA 38 MILLION PESOS ANG HALAGA NG PERANG NAKARATING SA ATING MGA MARALITANG KABABAYAN.

KASAMA RITO ANG SOCIAL PENSION PARA SA MGA SENIOR CITIZEN;

MONTHLY CASH ASSISTANCE SA MGA KABILANG SA PANTAWID PAMILYANG PILIPINO PROGRAM;

MGA LIVELIHOOD PROGRAM AT TULONG SA MGA SOLO PARENT AT MGA ISKOLAR.

MAY PONDO RING INILAAN SA ATING MUNICIPAL CIVIL REGISTRAR PARA ITURO ANG IMPORTANSYA NG MAAYOS NA MGA RECORD KATULAD NG BIRTH CERTIFICATE, MARRIAGE CERTIFICATE AT IBA PA.

UNA DITO NABIGYAN NG PAGKAKATAON ANG MGA MATAGAL NANG MAGKAPAREHA NA GAWING LEGAL ANG KANILANG PAGSASAMA.

GINANAP ANG KASALANG BAYAN O MASS WEDDING NANG WALUMPU’T SIYAM NA MAGKAPAREHA.

MAGIGING DAAN ITO PARA MABAWASAN ANG BILANG NG MGA BATANG IPAPANGANAK NANG WALANG MAAYOS NA RECORD SA MUNICIPIO AT PHILIPPINE STATISTICS AUTHORITY.

INFRASTRUCTURE
HALOS 18 MILLION PESOS NA HALAGA NG MGA IMPRASTRAKTURA ANG ATING NAIPAGAWA O KASALUKUYANG GINAGAWA SIMULA NOONG JULY 1, 2019.

KABILANG DITO ANG MGA BARANGAY ROADS, MULTI-PURPOSE BUILDING, CANAL AT IBA PANG ISTRUKTURA.

BUMILI RIN ANG MUNICIPIO NG ISANG BACKHOE ON BARGE NA NAGKAKAHALAGA NANG HALOS SAMPUNG MILYONG PISO.

MAKAKATULONG ITO SA ATING GINAGAWANG PAGHUHUKAY SA MGA DALUYAN NG TUBIG UPANG MAIBSAN ANG MGA PAGBAHA.

IPAPAGAWA NA RIN ANG TULAY NG SAN JOSE GUMI NA NAGKAKAHALAGA NG HALOS ISANG MILYONG PISO.

MAHALAGA ANG KOMUNIKASYON LALO SA PANAHON NG MGA SAKUNA KAYA GINASTUSAN RIN NATIN NG 398,500 PESOS ANG ATING RADIO REPEATER.

KASAMA ANG ENGINEERING OFFICE, PATULOY DIN NATING IPINATUTUPAD ANG NATIONAL BUILDING CODE PARA MASIGURONG LIGTAS ANG BAWAT GUSALING ITINATAYO SA ATING BAYAN.

PEACE AND ORDER
KAUGNAY NYAN, UNANG-UNA ANG LUBAO SA MGA BAYAN SA PAMPANGA, NA TUMALIMA SA UTOS NG PANGULONG RODRIGO ROA-DUTERTE NA PAGTANGGAL NG MGA OBSTRUCTION SA MGA KALSADA.

INUNA NATING ALISIN ANG MGA SAGABAL SA MGA KALYE NG BARANGAY STA. CRUZ, SANTO TOMAS AT IBA PANG AKTIBONG MGA LUGAR.

HINDI LANG ITO BILANG PAGSUNOD SA UTOS NG PANGULO O KAYA AY SA MEMORANDUM NA INILABAS NG DEPARTMENT OF THE INTERIOR AND LOCAL GOVERNMENT O DILG.

ANG GINAWA NATING ITO AY PARA SA ATING LAHAT NA RIN NA NAHIHIRAPAN KAPAG BUMIBIGAT ANG DALOY NG TRAPIKO.

TOURISM
KAILANGAN NANG MAISA-AYOS ANG ATING MGA KALSADA NGAYON DAHIL INAASAHAN NATIN ANG PAGDAMI NG MGA TURISTA SA DARATING NA MGA TAON.

NAGIGING PABORITONG PASYALAN ANG LUBAO NG MARAMING TAO DAHIL SA ATING IBA’T IBANG TOURIST SPOTS.

KAGAYA NG LUBAO BAMBOO HUB AND ECOPARK, DIOSDADO MACAPAGAL MUSEUM, ST. AUGUSTINE PARISH CHURCH AT HOLY CROSS PARISH CHURCH.

ITUTULOY NATIN ANG MGA TRADISYON NG SAMPAGUITA FESTIVAL, PAGTULONG SA LUBAO INTERNATIONAL BALLOON AND MUSIC FESTIVAL, AT PAGDIRIWANG NG KAPANGANAKAN NI PRESIDENT DIOSDADO MACAPAGAL.

PINAG-AARALAN NA RIN ANG PAGBUO NG ATING HERITAGE DISTRICT KUNG SAAN MAPAG-AARALAN ANG KASAYSAYAN AT KULTURA NG LUBAO.

HUMAN RESOURCE DEVELOPMENT
HINDI LANG ANG MGA LUGAR SA LUBAO ANG INIHAHANDA NATIN.

MAGING ANG ATING MGA EMPLEYADO SA MUNICIPIO AY KAILANGANG NAKAKA-AGAPAY SA HINIHINGI NA KALEDAD NG PAMAMAHALA.

INUMPISAHAN PO NOONG NAKARAANG LINGGO ANG SEMINAR TUNGKOL SA GOVERNMENT PROCUREMENT LAW.

KAILANGAN PO KASING MAGING MAAYOS ANG ATING PAGGASTA SA PERA NG BAYAN PARA MAS MARAMI ANG MAKINABANG NA MAMAMAYAN.

PARA MABAWASAN ANG SAKIT SA MGA KAWANI, INILUNSAD NATIN ANG REGULAR PHYSICAL FITNESS ACTIVITIES KATULAD NG ZUMBA PARA SA MGA EMPLEYADO.
INUMPISAHAN NA RIN PO NATIN ANG ATING BARANGAY VISITATION SERIES.

NOONG NAKALIPAS NA OCTOBER 4, NAGPUNTA TAYO SA SAN PEDRO PALCARANGAN AT SAN PEDRO SAUG UPANG IHATID ANG SERBISYO NG GOBYERNO SA BARANGAY.

INILALAPIT NATIN ANG SERBISYO SA MGA TAONG NAHIHIRAPAN SA PAGPUNTA SA MGA TANGGAPAN NG MUNICIPIO DAHIL MALAYO ANG KANILANG PINANGGAGALINGAN.

LEGISLATION
MARAMING SALAMAT DIN SA SANGGUNIANG BAYAN, SA PANGUNGUNA NI VICE MAYOR JAY MONTEMAYOR AT MGA KONSEHAL.

MABILIS PO NILANG NAIPAPASA ANG MGA KAILANGAN NATING MGA ORDINANSA AT MGA RESOLUTION.

SIMULA UNANG ARAW NG HULYO, NAKAPAG-APRUBA PO SILA NG DALAWAMPU’T WALONG RESOLUTION AT MGA ORDINANSA.

KASAMA RITO ANG RESOLUTION NA MAGPAPATUPAD NG ATING MUNICIPAL DISASTER RISK REDUCTION AND MANAGEMENT COUNCIL CONTINGENCY PLAN FOR FLOOD HANGGANG TAONG 2021.

PEACE AND ORDER
MAHIGPIT ANG PAGBABANTAY NG ATING KAPULISAN SA KATAHIMIKAN NG LUBAO.

MULA HULYO HANGGANG AGOSTO NAKAPAGSAGAWA ANG LUBAO MUNICIPAL POLICE STATION NG 254 CHECKPOINT; 223 OPLAN KAPKAP BAKAL AT 794 OPLAN RODY/TAMBAY OPERATION SA BUONG LUBAO.

ANG IBA’T IBANG OPERASYON DIN NILA AY NAGBUNGA NG PAGKAHULI NG MGA TAONG PINAGHAHANAP NG BATAS AT MGA TAONG SANGKOT SA ILIGAL NA DROGA.

KATULONG DIN NATIN ANG KAPULISAN UPANG MARAMING MGA BARANGAY SA ATIN ANG MAILIGTAS SA PERWISYONG DULOT NG DROGA.

SUMMARY
NAKAKA-ISANG DAANG ARAW NA PO TAYO, PERO PAKIRAMDAM KO NAG-UUMPISA PA RIN TAYO.

MAGPAALALAHANAN PO TAYO. KUNG NAKAKALIMOT KAMI SA TRABAHO, TAWAGIN NYO LAMANG PO ANG AMING PANSIN.

GAYUNDIN, HUWAG PO SANANG SASAMA ANG LOOB NINYO KUNG MAGPAPA-ALALA KAMI SA INYO.

LAHAT NG MGA ACCOMPLISHMENT NA BINANGGIT KO KANINA AY HINDI PO NAGAWA NG ISANG TAO LAMANG.

LAHAT TAYO, AMBAG-AMBAG SA TRABAHO NA MAGANDA ANG KINAHINATNAN.

TAPOS NA PO ANG PANAHON NG PAGKA-KANIYA-KANIYA.

ITULOY NATIN LAHAT NG MGA MAGAGANDANG NAPASIMULAN; AT TULDUKAN LAHAT NG HINDI MAKABUBUTI PARA SA BAYAN.

MARAMING SALAMAT PO SA INYONG PAG-ANTABAY SA AKIN, SAMPU NG INYONG MGA HALAL NA OPISYALES.

MAGANDANG ARAW PO SA ATING LAHAT.