
Carinderia Ipinasara dahil sa Paglabag sa Kautusan sa Social Distancing, Curfew
LUBAO, Pampanga—Isang carinderia sa Lubao, Pampanga ang ipinasara ng lokal na pamahalaan dahil sa paglabag sa ipinag-uutos na social distancing at ipinatutupad na curfew.
Sa pag-aatas ni Mayor Esmeralda G. Pineda, nagsagawa ng inspeksiyon si Lt. Col. Michael Jhon Riego, hepe ng Lubao Municipal Police Station sa DIT’s Kambingan na matatagpuan sa Barangay Remedios sa bayang ito.
Napag-alaman ni Riego na pinapayagan ng may-ari ng carinderia na kumain sa loob ng tindahan ang mga kostumer, bagay na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na General Community Quarantine.
Naabutan ng mga pulis ang ilang kostumer na kumakain sa loob ng carinderia at dahil dito’y inaresto ang mga suspek kasama na ang may-ari ng kainan.
May mga natanggap ding ulat na tumatanggap pa ng kostumer ang tindahan kahit na sa oras ng curfew.
Ang umiiral na curfew sa buong Lalawigan ng Pampanga ay mula 9 ng gabi hanggang 5 ng umaga kinabukasan.
Binigyang-diin ni Mayor Pineda na hindi pinapayagan ang “dine-in” sa mga restaurant at iba pang kainan para maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit na coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Babala ng alkalde, ipasasara ang tindahan at posibleng kasuhan ang mga may-ari ng mga establisyimentong lalabag sa curfew at hindi magpapatupad ng social distancing.
“Hindi naman po sa ayaw natin silang maghanap-buhay pero kailangan lang po nating pangalagaan ang buhay at kaligtasan ng lahat dahil nandyan pa rin ang banta ng Covid-19. Kapag wala na pong virus, makakabalik din tayo sa dating normal na operasyon. Sa ngayon po, konting sakripisyo muna tayong lahat,” pagpapaliwanag ni Mayor Pineda.