
Distribusyon ng mga Ibinabang Pondo ng National Government sa Pamamagitan ng DSWD
Natanggap na ngayong araw ng Sabado (April 18, 2020) ng mga benepisyaryo mula sa walong barangay ng Lubao ang tulong ng gobyerno mula sa Social Amelioration Program (SAP) sa halagang P6,500 bawat isa. Inaasahang matatapos ang distribusyon ng mga ibinabang pondo ng national government sa pamamagitan ng DSWD para sa mga taga-Lubao sa loob ng isang linggo.
Pinangunahan ni Mayor Esmeralda G. Pineda at mga kawani ng lokal na pamahalaan, Philippine National Police at Liga ng mga Barangay ang pagpapanatili ng kaayusan sa pila ng mga tatanggap ng tulong pinansiyal.
Ayon kay Mayor Pineda dahil unang araw pa lamang ng distribusyon ay titingnan kung anong mga adjustment ang pwedeng gawin sa mga susunod na araw kung may makitang mga aberya.
“Gusto natin mapabilis ang proseso dahil 44 barangays ang bibigyan kaya medyo mahirap kasi kailangan pa rin ang social distancing,” paliwanag ng alkalde.
Sa unang araw ng distribusyon, nagkaroon ng mahabang pila at may mga hindi sumunod sa social distancing kaya’t napagpasyahan na may baguhin sa sistema ng pagsundo at paghatid ng mga tao sa kani-kanilang barangay.
“Humihingi po ako ng paumanhin dahil period of adjustment ang unang araw natin. Humanap tayo ng sa tingin natin ay pinakamabisa, ligtas at mabilis na paraan kapwa sa mga tatanggap gayundin sa mga staff ng DSWD, pulis at municipio,” dagdag pa ni Mayor Pineda.
“May ginawa tayong pagpa-plano pero kapag execution na talagang minsan may hindi maiiwasang mangyari. Sana lang po sa susunod na mga araw, sumunod rin ang mga tao sa wastong sistemang ipapatupad natin.”
“Masaya po tayo na naibaba ng DSWD ang tulong na ito sa mga kababayan natin. Kaya kami naman po sa municipio ay ibinibigay ang lahat para matulungan ang kagawaran na maging mabilis at maayos ang kanilang ginagawang distribution,” ayon sa kay Mayor Pineda.