Skip to main content

Memorandum ng DILG patungkol sa Pagtanggal ng anumang Sagabal sa mga Kalsada

Narito po ang nilalaman ng memorandum ng DILG patungkol sa pagtanggal ng anumang sagabal sa mga kalsada na isinalin na sa wikang Filipino:

Kaugnay sa direktiba ng Pangulo sa kaniyang 2019 State of the Nation Address, hinihikayat ang lahat ng mga local officials na gamitin ang angkop nilang kapangyarihan upang muling makuha ang mga pampublikong daan na ginagamit ng mga pribadong indibidwal para sa kanilang pansariling kapakinabangan, at tanggalin ang mga iligal na mga istruktura at ano pa mang nakatayo dito.

Dapat ding kumpunihin ng mga lokal na pamahalaan ang mga nabawing kalsada sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pangalan ng daan, mga ilaw at iba pa. Gayundin, hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan na maglatag at magpatupad ng mga istratehiya para makatulong sa mga maaapektuhan ng pagsasakatuparan ng kautusang ito.
Kaugnay nito, inaatasan ang mga punong ehekutibo na bawiin ang mga permit na nagpahintulot sa mga pribadong grupo na gamitin ang mga pampublikong kalsada, eskinita at iba pang daanan. Pag-aralang mabuti ang paglalagay ng mga street signs at iba pang signage sa paraang hindi ito makagambala sa maayos na gamit ng mga daan.
Hinihimok rin ang mga sangguniang panlungsod/bayan na muling pag-aralan ang mga ordinansa at mga katulad na mga akda at batas upang matiyak na tumutugma ang mga ito sa direktibang ito at sa iba pang mga kautusan at polisiya.

Makatutulong para sa mga lalawigan, mga lungsod at bayan ang paghahanda ng imbentaryo ng lahat ng mga kalsada sa kanilang nasasakupang teritoryo. Upang matulungan ang mga bayan na kanilang nasasakop, dapat ibahagi ng mga Pamahalaang Panlalawigan ang kanilang mga road network map nakabase sa kanilang Geographic Information System.

Dapat tiyakin ng mga lokal na pamahalaan ang mabilis at epektibong pagpapatupad ng road clearing operations.
Sa loob ng 60 calendar days, inaasahan na may makamit, maitala at maiulat na mga makabuluhang resulta ng operasyong ito.

Ang hindi pagsunod sa Circular na ito ay mangangahulugan ng pagsasampa ng kasong administratibo na itinatadhana ng Section 60(c) ng Local Government Code of 1991 at iba pang umiiral na batas at mga polisiya.
Katungkulan rin ng mga Punong Ehekutibo na magpataw ng akmang kaparusahan, pagkatapos ng masusi at patas na imbestigasyon, sa sinumang opisyal o kawani ng pamahalaang lokal na hindi susunod sa kautusang ito.